- Global Voices sa Filipino - https://fil.globalvoices.org -

Pagdadalantao at Bilangguan: Kalusugan at Karapatan ng Kababaihan sa Likod ng Rehas

Categories: Latin America, North America, Brazil, Ecuador, Laos, Peru, Russia, Spain, U.S.A., Health, Human Rights, Humanitarian Response, Photography, Youth, Conversations for a Better World

Larawan mula kay daquella manera [1]

Pantay-pantay ba ang mga nagdadalantao pagdating sa karapatang pantao, o para lamang ito sa mga malalaya?

May mga ilang katanungan na naiisip tungkol sa karapatan ng mga nagdadalantao na mabuhay at palakihin ang kanilang anak kapag sila ay nakulong dahil sa isang krimen:

USA: Hindi na Pinoposasan ang mga Babaeng Nanganganak

Naiisip mo ba ang isang babae na nanganganak habang nakaposas ang kanyang mga kamay at paa sa kama? Sinasabi sa atin ni Malika Saada Saar [2], tagapagtatag at tagapamahala ng Rebecca Project for Human Rights [3] na ang ganitong eksena ay nangyayari pa rin sa Estados Unidos ng Amerika, kung saan ang pagposas sa mga nagdadalantao na nakabilanggo ay tila karaniwan na lamang sa ilang bilangguan, kahit na ito ay mapanganib sa kalusugan ng ina at anak. Ang sumusunod ay isang panayam na kasama sa kaparehong akda na nasulat sa RH Reality Check, isang online community tungkol sa sekswal at pampag-anak na kalusugan at karapatan na namamahagi ng kaalaman at pagsusuri para dito:

Ano ang nangyayari sa anak ng bilanggo pagkapanganak?

Iba-iba ang pamamalakad ng iba’t-ibang bansa tungkol sa mga bata sa bilangguan. Sa Argentina halimbawa, ayon sa Ajintem, isang sentro ng kaalaman para sa kabatiran ng mga dayuhan, isang batas ang naipasa [4] noong nakaraang taon ang nagsasaad na ang mga nagdadalantao, mga kababaihang may anak na wala pang limang taong gulang o mga may kapansanan ay mabibiyayaan ng karapatan na masailalim na lamang sa house arrest. Hindi lamang ang ina ang makikinabang sa batas na ito, kung hindi maging ang bata na malalayo na sa posibilidad na mapalaki sa isang hindi ligtas na kapaligiran na tinanggalan ng kalayaan at walang sapat na pamamahala sa kalusugan at pagkain, o mapalayo sa ina na maaaring magdulot ng mas maraming suliranin. Gayunpaman, dapat itong maging mensahe sa mga hukom na sundin ang diwa ng batas at ipagkaloob lamang ang karapatan na ito sa mga babae na hindi naging bahagi ng mga marahas na krimen, upang masiguro sa taumbayan na hindi sa lahat ng oras ay maaaring magamit ang pagbubuntis upang makaligtas sa pagkakakulong.

Sa Canary Islands, ayon sa Prisiones y Penas blog na sumusulat tungkol sa mga usaping bilangguan, ang mga babae ay pinapayagan na maalagaan ang kanilang mga anak hanggang tatlong taong gulang [5] sa loob ng kanilang mga selda kasama ang ilan pang bilanggo, na hindi pa rin nakabubuti. Sa gayon, ang mga nagdadalantao o mga babaeng may anak na tatlong gulang pababa ay pinapayuhan sa pagpasok nila sa bilangguan na hindi makabubuti para sa bata ang lumaki sa likod ng rehas, at bibigyan sila ng karapatang makapili kung saan nila gustong ipadala ang bata upang mapalaki. Ito rin ang kalagayan sa Peru [6] at Russia [7]. Sa Estados Unidos, dalawa lamang ang bilangguan na pumapayag sa ganitong kaparaanan, at ito ay sa New York at sa Nebraska, ayon sa tanyag na litratista na si Jane Evelyn Atwood [8] sa kanyang tatlong bahagi na photo documentary para sa Amnesty International na tinaguriang Too Much Time [9], kung saan dinalaw niya ang karamihan sa mga bilanggo sa buong mundo at ikinuwento ang buhay ng mga ito.

Bakit nga ba hindi lahat ng bilangguan sa Estados Unidos ay pumapayag na makupkop ng mga ina ang kanilang mga anak? Ipinaliwanag ni Atwood na dahil sa posibilidad ng isang hostage situation kaya hindi ito pinapayagan. Sinagot ito ng Prison Photography Blog [10]:

Dalawa lamang ang bilangguan sa Estados Unidos ang pumapayag na magkaroon ng bata sa likod ng rehas. Isang dahilan nito ay ang banta sa kaligtasan: ang pagkakaroon ng bata sa loob ng bilangguan ay maaaring maging hostage target. Ang pahayag na ito ay maaaring hindi totoo kung ang bilangguan sa ibang bansa ang pag-uusapan.

Ang Atwood documentary sa website ng Amnesty International ay may bahagi na nagpapakita ng proseso kung paano nanganganak habang nakaposas gaya ng Vanessa’s Baby [11], mga bilangguan at pagiging ina, na may kalakip na larawan ng mga babae habang binabasa ng litratista ang isang sanaysay tungkol sa kanyang mga karanasan habang dumadalaw sa mga bilanggo at kumukuha ng larawan.

Pagdadalantao bilang Kasangkapan?

Bakit nga ba sobrang pinagtatalunan ang karapatan ng mga nagdadalantao sa bilangguan? Sa Russia Today, isang broadcasting channel sa Russia, binanggit ang paksang ito [7] noong pinag-uusapan ang pagkapanganak at pagpapalaki sa mga bata sa loob ng bilangguan sa Russia:

May mga nag-iisip na may mga inang nagpapabuntis para lamang mapagaan ang buhay nila sa loob ng bilangguan. May mga hospital leave, tapos may nakalaang oras para sa iyong anak – sinasabi nilang mas mabuti pa ito kaysa umupo sa selda.

At mga mga babae na nag-iisip na ang pagdadalantao ay ang tanging paraan upang makatakas sila sa hatol sa kanila, gaya ng nangyari noong nakaraang Hunyo, kung saan ang isang babaeng British ang nahatulan ng kamatayan at nakaligtas, dahil hindi pinahihintulutan ng pamahalaang Laos ang pagpataw ng hatol sa mga nagdadalantao. May mga nagsasabi [7], ayon sa Daily Express, isang pahayagang British, na sinadyang magpabuntis ng babae upang makatakas sa hatol na kamatayan.

Sa ibang salita: nasa babae ang kapasyahan

Si Geraldin Rodríguez ay isang Argentinean na nakabilanggo sa Ecuador dahil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Sinabi niya kay Marcos Brugiati [12], isang manunulat para sa maka-sining na pahayagan sa Internet na Plastica-Argentina [13], ang kanyang kwento tungkol sa pag-arte at pagpapalabas sa loob ng bilanggo at pagkakaroon ng anak. Pinayagan siyang kupkupin ang kanyang sanggol, ngunit napagpasyahan niyang dapat lumaki ng malaya ang anak niya:

“Decidí que salga para vivir, tenía miedo que sufra de grande los traumas que hoy tengo. Se lo llevó al año mi hermano quien se hice cargo con su esposa”.

Napagpasyahan kong kailangan niyang umalis para mabuhay, dahil natatakot akong baka maranasan niya ang mga nararanasan ko ngayon. Matapos ang isang taon, kinuha siya ng kapatid ko at inaalagaan nila ng kanyang asawa ang anak ko ngayon.

Si Juvinete ay nasa isang bilangguan sa Espanya, at naging buntis noong siya ay nakulong dahil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Ikinuwento niya ang kanyang karanasan sa isang panrehiyon na pahayagan sa Espanya na NorteCastilla [14]. Tatlong taon matapos niyang isilang ang kanyang anak, kinailangan niyang ipaubaya sa isang foster family. Nakikita ni Juvinete ang kanyang anak sa loob ng labinlimang araw, at tuwing dalawang buwan ay nabibigyan siya ng pagkakataong lumiban ng dalawang linggo para lamang makapiling ang kanyang anak. Gayunpaman, maaaring hindi na muli sila magkita ng kanyang anak, dahil maaaring mapadala si Juvinete sa kanyang sinilangang Brazil. May payo siya sa mga babaeng nagnanais na mabuntis habang nasa loob ng bilangguan:

-Intento convencerlas para que no se queden en estado dentro porque ver a un niño privado de libertad es muy duro, es irresponsable. Ellos no tienen que pagar nuestros errores.

Sinubukan kong himukin sila na wag nang magpabuntis habang nasa loob, dahil mahirap ang magkaroon ng anak na inalisan ng kalayaan. Napaka-iresponsable nang ganitong desisyon. Hindi nila dapat pagbayaran ang kasalanan natin.

Ang Woman and Prison [15] ay isang website na para sa pagpapakita ng karanasan ng kababaihan sa loob ng bilangguan. Dito isinaad ni Kebby Warner ang kanyang pagdadalantao [15] habang nasa isang kulungan sa Estados Unidos at kung paano siya pinakitunguhan sa kanyang pagbubuntis, panganganak at sa kalaunan, paglayo ng anak sa kanya. Narito ang isang bahagi kung saan isinulat niya ang kanyang karanasan noong manganak siya:

Habang nagsisilang, walang pwedeng pumasok sa loob ng delivery room. Hindi nga alam ng pamilya ko na nanganganak na ako. Nalaman lang nila noong lumabas na ako ng ospital. Sa loob ng tatlong araw may ilang beses na may bantay ako sa loob ng silid, pero kadalasan sinasabihan sila ng nurse na manatili na lamang sa labas ng silid at sumunod naman sila. Nakakarinig na ako ng mga nakakatakot na kwento tungkol sa mga babae na nakaposas sa kama. Nakapaswerte ko dahil hindi ko naman naranasan ang ganoon. Tao ang turing sa akin ng mga nurse dito, at hindi bilanggo.

Maaari mong mabasa ang ilan pa sa kanyang sanaysay tungkol sa kanyang pagiging magulang sa loob ng bilangguan at ang mga pagbabagong mararanasan ng mga bilanggong babae sa mga anak nila sa Women and Prison. [16]

Ano sa tingin mo? Maraming mga nagdadalantao sa buong mundo ang hindi nakakatanggap ng kahit na anong atensyong medikal. Dapat bang magkaroon ng mga pagkilos para mapagaan ang buhay ng mga kababaihan sa loob ng bilangguan? May kaibahan ba ang mga ina na nasa loob ng bilangguan at nasa labas? Dapat bang magkaiba ang turing sa kanila?

Ang larawang ginamit ay mula sa “17 de noviembre” ni daquella manera. [17]